BAGONG SIMULA (A spoken word entry)

Sa pagmulat ng mata
sa inaakalang may parating na magandang umaga
pighati at lumbay
ay sinaklaw ng mundong sa pagkakamali mo ay laging nakatanglaw
na sa bawat hakbang akala mo papalapit kana sa hangganan ng buhay
at sa akala mo na madilim na paligid na natatanaw

buong akala mo, ito na ang huli.

Nagka pira-piraso ang bawat ideya
sa pahina
na naka kadena
humu-hulagpos
walang tigil sa pagsigaw
OO! IKAW!
ayaw mong bumitaw
sa higpit ng pagkahawak mo ay winasak ka
at unti unting binagsak
hanggat wala ka ng maramdaman
na ang tanging laman ng puso mo
ay puno ng laban sa digmaan na ikaw din ang kalaban.

PAKIUSAP, TAMA NA!

Hindi ka ba napapagod?
sa paikot ikot na kwento ng araw araw na paglaban sa hindi naman kalaban
sa pag luha ay baha ng lumbay
at uhaw sa gabay
hindi ka ba nadadala?
sa kirot at puot na dulot ng hindi mo paglimot
sa akala mong madamot na buhay
sabay ng akala mong pag iwan nila sayo
oo masakit
pero hindi titigil ang pag ikot ng mundo dahil lang nasasaktan ka.
Kaya may sasabihin ako
pakinggan mo ang bawat letra
ng kataga ng talata na bibitawan ko

Naghahanap ka ng pag-ibig sa lugar na ang kaya lang ibigay sayo
ay ang panandaliang tayo
mga pangako na akala mo’y dadalhin ka sa kabilang ibayo
umasa ka na hindi ito kapareho ng mga unang nangako
pero yun pala’y mapapako
pero heto ka
aasa ng aasa
sa pakiot ikot na istorya
ng sumumpa-umasa-pina-asa-nadapa-lumuha
sumumpa-umasa-pina-asa-nadapa-lumuha
HINDI NA NADALA!

Kung pagod ka na sa pagtakbo sa pagtago
sa paulit ulit lamang at walang pagbabago
sa aninag ng kalungkutan
kaibigan
nais kong malaman mo
na hindi dito natatapos
kaya mong humilagpos
at pwedeng matapos
ang sakit
ang pait
at kaya mong ngumiti
at bumati
at magandang umaga

dahil dito
MAY BAGONG SIMULA.

Minahal ka niya
mahal ka niya
at minamahal ka niya
hindi matatapos ang pag-ibig dahil walang hanggan
walang katapusan
hindi kayang tumbasan
pagsama-samahin mo man
ang libo-libong uri ng pag-sinta
hindi nila kayang tapatan
ang buhay na nabayubay
katawan ay nilatay
dugo ay dumaloy
sa kahoy na pinasan
at ikaw
oo ikaw
ang nasa isipan niya.

Hindi ka nag-iisa.
Minamahal ka.
Mahalaga ka.
Tumbasan man ng sanlibutan
hindi nila kayang higitan.
Hindi ka niya iniwan
hinihintay ka niya,
kaya yakapin mo
ang bagong simula
na alay
ng pag-ibig niya

Maniwala ka

MAHAL

MINAHAL

MINAMAHAL

at MAMAHALIN KA PA NIYA.

Leave a comment